P79-M halaga ng pekeng bag nasamsam ng NBI
MANILA, Philippines - Kinumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit sa P79 milyong halaga ng 2,041 piraso ng Louis Vuitton bag (LV), na sinasabing peke at ibinebenta sa merkado.
Ilang stall at bodega ang sinuyod ng NBI-Intellectual Property Rights Division nitong nakalipas na Miyerkules matapos ang apat na linggong surveillance at test buy ng mga pekeng bag, ani Atty. Rommel Vallejo, hepe ng nasabing dibisyon.
Kabilang sa nasamsaman ng pekeng LV ang warehouses G-55/57 at H-28 sa Manila Textile Market sa Soler St.; at mga stall sa 1k-11, 1K-12, 1L-12, 2F-10/12, 2H-3/5 at 2R-9 sa 999 Shopping Mall, Sta. Elena St., sa Binondo, Maynila.
Sinabi ni Vallejo na ang operasyon ay bunsod ng reklamong inihain ng kinatawan ng Louis Vuitton company na Asia Pacific, simula pa noong Enero ng taon.
Nabatid na tinutukoy pa ang may-ari ng mga establisimento para sa isasampang kaso.
- Latest
- Trending