Salvage victim isinilid sa karton
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan na nakasilid sa isang karton kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
May taas na 5’5” ang biktima, may tattoo na Sputnik sa likuran, nakasuot lamang ng brief at tadtad ng saksak sa buong katawan nang matagpuan ang biktima dakong alas-3 ng umaga sa may Torsillo Street, Dagat-dagatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, isang residente ang nakakita sa kahon ng LG refrigerator na sinelyuhan ng packaging tape sa gilid ng kalsada. May nakasulat sa kahon na “Jumper at Danny Toyo kaw na ang susunod.”
Agad na tumawag ng pulis ang mga residente at nang buksan ang kahon ay tumambad ang duguang bangkay ng biktima. Bukod sa mga saksak, may nakapilipit din na lubid sa leeg ng biktima na tanda na labis muna itong pinahirapan bago tuluyang pinaslang.
Hindi naman residente ng naturang lugar ang biktima na maaaring pinaslang sa ibang dako saka itinapon ang bangkay. Hinihinala rin na maaaring mga miyembro ng sindikatong kinaaaniban ng biktma ang may kagagawan ng naturang krimen.
- Latest
- Trending