MANILA, Philippines - Nagbabala si Manila Police District (MPD) director General Alejandro Gutierrez sa mga riding-in-tandem na susubok na mangholdap at mag-snatch sa Maynila na maaaring manganib ang kanilang buhay kung matitiyempuhan sila ng nakatalagang Tactical Motorcycle Riders (TMR) na pantapat sa kanila ng Philippine National Police (PNP).
Ani Gutierrez, malamang na mauwi sa engkwentro at mauwi sa kamatayan kung maaktuhan ng mga nag-iikot na TMR units (riding-in-tandem na armadong kagawad ng PNP) sa lungsod ang riding-in-tandem na mga kriminal.
Bagamat wala nang gaanong napapaulat sa lungsod na mga krimeng sangkot ang riding-in-tandem nitong nakalipas na buwan, mayroon pailan-ilan tulad ng reklamong inihain ng isang Overseas Filipino Worker (OFW), na dinikitan ng riding-in-tandem habang naglalakad malapit sa P. Burgos St., Ermita, Maynila, alas-7:00 ng gabi ng Huwebes.
Lulugu-lugo ang biktimang si Ricardo Tiongson, 39, ng Brgy. Tabang, Plaridel, Bulacan dahil hinablot sa kanya ang dalang bag na naglalaman ng kanyang pasaporte, lap top computer, tiket sa eroplano at halagang $1,000 ng riding-in-tandem sa hindi naplakahang motorsiklo na kulay puti.