MANILA, Philippines - Sugatan ang walo katao nang magkarambola ang tatlong sasakyan sa kahabaan ng East Avenue, Brgy. Pinyahan Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tinamong minor injury sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang walong pasaherong hindi nakuha ang mga pangalan na sakay ng isang Mitsubishi Adventure.
Ayon sa QC Traffic Police Sector 4, ang aksidente ay kinasasangkutan ng isang 10-wheeler dump truck (RKF 544), isang Nova Auto Tansport bus at isang Mitsubishi Adventure.
Nagtuturuan sina Cipriano Cervantes, driver ng dump truck at ang hindi nakikilalang bus driver ng Nova Auto Transport bus. Ikinatwiran ni Cervantes, hindi niya kasalanan ang pangyayari at sinabing binangga muna siya ng drayber ng bus kaya niya nasalpok ang likurang bahagi ng isang kulay maroon na Mitsubishi Adventure van na nasa kanyang unahan.
Kabaligtaran naman ang sumbong ng bus driver at sinabi na ang trak ang unang bumangga sa naturang van bago bumangga sa kanyang sasakyan.
Gayunman, sa kung sino ang may kasalanan, kapwa kakasuhan ang driver ng bus at driver ng 10-wheeler truck ng reckless imprudence resulting in damage to property with multiple injuries kaugnay ng aksidente.