MANILA, Philippines - Patay ang isang mag-ina makaraang ma-trap sa loob ng nasusunog nilang bahay habang tinatayang aabot sa 40 bahay at dalawang gusali ng UP Bliss ang nilamon ng apoy dahil sa umano’y ilegal na koneksyon ng kuryente sa Quezon City, kahapon ng tanghali.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagmula ang sunog sa bahay ng isang Claudio Delda ng 24-F Lourdes St., Brgy. San Vicente, lungsod ng Quezon, alas-12:45 ng tanghali.
Nakilala ang mga nasawi na sina Felicidad Hidalgo, 65; at Jollie Ann, 21, na natagpuan sa kusina ng nasunog na bahay.
Nabatid na nagliyab ang isang linya ng kuryente at ito na mismo ang pinagmulan ng sunog sa nasabing lugar.
Napag-alaman din na gawa sa mga light materials ang mga kabahayan kaya mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit-bahay at Building 21 ng UP Bliss.
Jumper o ang ilegal na koneksyon ng kuryente ang sinasabing ugat ng nasabing sunog na umabot pa sa Task Force Alpha bago ito tuluyang naapula ng mga rumespondeng bumbero bandang ala-1:45 ng hapon.
Higit-kumulang sa 120 na pamilya ang naapektuhan ng nasabing sunog. Pansamantalang nakatigil sa kalapit na covered court ng nasabing lugar ang mga naapektuhang pamilya.
Samantala, patay ang isang 64-anyos na lolo makaraang ma-suffocate sa makapal na usok nang sumiklab ang sunog sa isang squatter’s area sa Pasay City kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawi na si Dante Cuchapin, ng Twin Pioneer Drive, Brgy. Sto. Niño, ng naturang lungsod na isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot pang buhay.
Sa ulat ng Pasay Fire Department, naganap ang sunog dakong alas-11 ng umaga at naapula naman dakong alas-12:45 ng tanghali. Anim na bahay lamang ang natupok sa naturang insidente na umabot na ikatlong alarma.
Agad namang nailabas sa kanilang bahay si Cuchapin bago tuluyang lamunin ng apoy ngunit hindi na nakayanan ang makapal na usok sanhi ng pagbigay ng katawan nito at pagkalagot ng hininga.