MANILA, Philippines - Apat katao ang iniulat na nasugatan sa magkakahiwalay na vehicular incident na nangyari sa loob lamang ng limang oras sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng District Traffic Management Unit ng Quezon City Police, kinilala ang mga sugatan na sina Aries Santos; pahinante at Timoteo Reyes, driver; Daniel Velarde Jr., 33; at Anne Loren Melosantos, 28.
Ayon sa ulat, unang naaksidente si Santos sa may Edsa-Quezon Avenue matapos na sumalpok ang sinasakyan nitong 16-wheeler truck na minamaneho ng isang Crisanto Ocampo sa may poste ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Naipit si Santos dahilan para ito magtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Ganap na alas-3 ng madaling-araw naman ng madisgrasya ang 14-wheeler truck na sinasakyan ni Reyes sa isang poste ng Metro Rail Transit sa Kamuning Flyover sa lungsod.
Sinasabing may kargang buhangin ang dalang truck ni Reyes kung saan nakatulog umano ito sanhi ng naturang aksidente.
Alas-5 ng umaga nang maaksidente naman ang sinasakyan ng mga biktimang sina Velarde at Melosantos sa may EDSA, Muñoz sa Brgy. Ramon Magsaysay.
Sakay ng Mitsubishi L-300 van na minamaneho ng isang Rodolfo Culibra, 37, ang dalawa nang salpukin sila ng isang Toyota Hilux na pick up na minamaneho ng isang Ivan Garcia.