MANILA, Philippines - Nakatakdang ilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang uri ng film festival para sa mga high school at college students ng mga pelikula na binuo gamit ang video shoot sa cellular phones.
Pinangalanang Metro Manila Film Festival (MMFF) Sine-Phone Festival, ilulunsad ito sa kalagitnaan ng Hunyo at bukas para sa lahat ng estudyante sa high school at kolehiyo na inendorso ng kanilang mga prinsipal at department heads.
Kinakailangan na sasalaminin ng isusumiteng mga movie entries ang temang “Restoring Road Courtesy Among Motorists and Pedestrians”, nasa 3-5 minutong haba, at naglalaman ng mga katangian sa pagiging magalang at disiplinado ng mga motorista at maaaring nasa uri ng komedya, drama o katatakutan.
May kabuuang 60 entries ang tatanggapin ng MMDA, tig-20 buhat sa Luzon, Visayas at Mindanao. Pipiliin ang mga aplikante base sa “script” na isusumite sa MMFF Sine-Phone Filmfest Committee. Matapos na mapili ang 60 script, maaari nang mag-umpisa sa produksyon ng maigsing pelikula.
Tatlong entries ang pipiliin ng MMDA, tig-isa buhat sa Luzon, Visayas at Mindanao. May nakalaan umanong malalaking cash prize sa mga mananalo na ihahayag sa MMFF Awards Night sa Disyembre.
Sa oras na matapos ang panuntunan sa paligsahan ay agad itong ilalagay sa MMDA website at sa isa pang social networks tulad ng Facebook at Twitter.
Lahat din ng mapipiling 60 entries ay ia-upload ng MMDA sa naturang social medias kabilang ang Youtube habang magkakaroon rin ng online voting.