Dalaga patay sa abortion
MANILA, Philippines - Isang 27-anyos na dalaga ang nasawi matapos na sumailalim sa abortion sa isang tagong klinika sa Pasay City, kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Jay Vanessa Yamson, residente ng Sampaloc, Maynila na idineklarang dead-on-arrival sa San Juan de Dios Hospital matapos ang pumalpak na abortion sa Park Avenue Mansion sa Pasay City.
Ayon sa pulisya, nagpasama umano ang biktima sa kanyang ina na si Janet sa Pasay City para sa medical check-up.
Nagtungo umano sila sa Park Avenue Mansion sa lungsod sa unit 817.
Sinabihan umano ang ina ng nasawi na maghintay na lamang sa receiving area subalit hindi nagtagal ay tinawag siya ng anak at nang pumasok siya sa kuwarto ay doon niya nakita ang maraming dugo sa maselang bahagi ng katawan ng kanyang anak.
Doon niya sinabihan ang doktor na dalhin sa ospital ang kanyang anak, gayunman hindi na nga ito umabot nang buhay sa pagamutan.
Agad namang nagtungo ang pulisya sa lugar kung saan umano naganap ang abortion subalit wala na doon ang sinasabing doktor.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para sa ikakikilala ng suspect at sa ikakaaresto nito.
- Latest
- Trending