MANILA, Philippines - Isang retiradong kawani ng Bureau of Land ang nasawi matapos na barilin ng riding in tandem suspect sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga. Kinilala ang biktima na si Ricardo Santos, 75, biyudo at residente sa Mariveles St., Brgy. San Isidro Labrador sa lungsod.
Ayon sa pulisya si Santos ay nasawi matapos barilin ng isa sa riding in tandem suspect sa may panulukan ng Iba at Cuenco Sts., Brgy. Teresita, ganap na alas- 6:45 ng umaga.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na naganap ang pamamaril habang ang biktima ay naglalakad sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang motorsiklo ng mga suspect.
Sinabi ng mga testigong sina Elton John Angeles, 20 at Don Manuel Mendoza, kapwa barangay tanod sa lugar, isa sa mga sakay ng motorsiklo ang bigla na lamang bumaba at nilapitan ang biktima saka pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril ay sumakay muli sa motorsiklo ng kanyang kasama ang gunman at sumibat papalayo sa lugar. Inaalis ng mga awtoridad ang motibong robbery sa nasabing kaso dahil hindi naman umano kinuha ang dalang bag na naglalaman ng mga dokumento, pera at mga cellphone.
Sinasabing may kuha ang CCTV sa lugar na magiging basehan ng mga awtoridad para sa gagawin nilang imbestigasyon. Narekober sa lugar ang dalawang slugs at apat na basyo ng kalibre 45 baril na ginamit sa pamamaslang sa biktima. Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.