Bus sinalakay ng mga holdaper
MANILA, Philippines - Bigo na namang masawata ng mga tauhan ng Pasay City Police ang mga kilabot na holdaper na sumasampa sa mga bus makaraang matagumpay na malimas ang pera at iba pang gamit ng mga pasahero ng isang pampasaherong bus, kahapon ng hapon sa naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Pasay Police, naganap ang insidente dakong ala-1:15 ng hapon habang binabagtas ng CEMT Transport bus (TYR-578) ang kahabaan ng EDSA sa may E. Rodriguez Street, Malibay, sa naturang lungsod.
Nabatid na unang sumakay sa naturang bus ang anim na salarin sa may Roxas Boulevard sa may Parañaque City.
Nang sumapit sa nabanggit na lugar, naglabas ng patalim at baril ang apat sa mga ito at nagdeklara ng holdap habang tinutukan ng patalim ang driver na si Corbeta upang ipagpatuloy ang pagmamaneho.
Dito matagumpay na nalimas ng mga salarin ang pera, cellular phone at alahas ng mga pasahero at saka bumaba ng bus sa may bahagi ng Malibay, Pasay tungo sa may Malibay fly-over.
- Latest
- Trending