MANILA, Philippines - Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Manila Regional Trial Court ang isang Chinese national matapos na mapatunayang nagkasala sa pagbebenta ng Ephedrine o sangkap ng shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon sa Binondo, Maynila noong 2007.
Sa pitong pahinang desisyon ni Judge Rey naldo Alhambra ng branch 53, si Ji Jin Dun, kilala din sa pangalang Tsi Tsai Tsun, na pinaniniwalaang miyembro ng isang international drug syndicate ay napatunayang guilty sa paglabag sa Sec. 5, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos na makuhanan ng nasabing droga.
Pinagbabayad din ng korte si Dun ng P1 milyon bilang penalty.
Batay sa record, nadakip si Dun ng mga PDEA noong Mayo 4, 2007 sa Binondo, Maynila kung saan nasamsam dito ang may 721.46 gramo ng Ephedrine sa isinagawang buy-bust operation.
Ang Ephedrine ang pangunahing sangkap sa paggawa ng methamphetamine hydrocloride o shabu.