MANILA, Philippines - Sa halip na makaranas ng ginhawa sa paggamit ng generator sa kanilang bahay bunga ng kawalan ng kuryente, nadiskubreng patay ang isang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila dahil sa suffocation matapos na sumingaw ito, batay sa naantalang ulat ng Manila Police District.
Nabatid na tumanggi ang mga kaanak na paimbestigahan pa ang pagkamatay ng mag-asawang biktimang sina Cirilo Basa, 66 at Conchita, 62, ng 978 Wagas St., Tondo, Maynila dahil sa paniniwala na walang foul play na naganap sa pagkasawi ng mga ito na sinasabing na-suffocate.
Sa ulat ni PO1 Francisco Mendoza, dakong alas-6:00 ng umaga kamakalawa nang matagpuang walang buhay sa kanilang kuwarto ang mag-asawa.
Sinabi naman ni Erwin Villafuerte, 20, caretaker at stay-in sa bahay ng mag-asawa, inutusan siya ng mga ito na buhayin ang generator at ipinasok sa loob ng bahay upang magamit dahil wala silang koneksyon ng kuryente bunga ng sunog na naganap malapit sa kanilang lugar.
Gabi ng Sabado nang paandarin ni Villafuerte ang generator at ilagay umano ito sa loob ng bahay na lingid sa mag-asawa dito na nagsimulang kumalat ang masangsang na amoy ng gas, na hindi inakalang may singaw.
Kinabukasan, tumambad ang wala ng buhay na mag-asawa, at tumanggi na umano ang kaanak ng mag-asawa na paimbestigahan pa ang nasabing insidente.