MANILA, Philippines - Patay ang Executive Vice President ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) makaraang tambangan ng riding in tandem habang binabaybay nito ang Valencia St., sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Noel Bangis Cabrera, 46 at residente ng Carnation St. Modesto Village, San Mateo Rizal.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect na kapwa nakasuot ng helmet at armado ng baril.
Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:15 ng gabi ng Biyernes nang maganap ang pananambang sa Valencia St. Sta. Mesa habang ang biktima ay lulan sa kanyang Toyota Avanza, silver ( PVO-241).
Nabatid na kalalabas pa lamang ng biktima sa back gate sa Valencia St. habang minamaneho ang kanyang sasakyan sa direksiyon ng Ramon Magsaysay Boulevard, kasama sa passenger seat ang staff na si Rolando Peraldo nang tumawag umano ito sa misis na si Elizabeth Cabrera, 52, gamit ang cellphone. Ilang Segundo lamang ay nagulat si Peraldo sa putok na narinig at napayakap sa kanya ang biktima na nagsabi pang “Roland may tama ako”. Duguan na ang biktima at hindi na nakontrol ang sasakyan kaya bumangga sila sa island sa RM Blvd.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso para matukoy kung anong motibo sa krimen. (With reports from Irish Ocampo, Angely Ablay at Julie Ann Mundero -trainee)