Preso itinumba ng kapwa preso sa Bilibid
MANILA, Philippines - Isa na namang pagpatay ang naitala sa loob ng National Bilibid Prisons makaraang pagbabarilin ang isang preso na sinasabing papalit na lider ng ‘Sigue-Sigue Sputnik Gang’ sa maximum security compound ng bilangguan sa Muntinlupa City kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot pang buhay sa NBP Hospital ang biktimang si Dennis Amores sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa mukha.
Sa inisyal na ulat ni NBP Supt. Richard Schwarzkopf Jr., naganap ang pamamaril dakong alas-4:30 ng hapon. Nabatid na naglalaro ng bilyar ang biktima kasama ang anim pang kapwa bilanggo nang lumapit ang nag-iisang salarin at dalawang beses itong paputukan.
Narekober naman ng mga jail guards ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .22 baril na ginamit sa pamamaslang.
Isinasailalim naman sa paraffin tests sina Godwin Castil at Jason Villaruel upang mabatid kung sino sa mga ito ang bumaril. Ito’y makaraang umamim kay Schwarzkopf si Castil na siya ang bumaril habang iba naman ang testimonya ng mga saksi na itinuturo si Villaruel na siyang gunman.
Posible umano na may kinalaman ang pamamaslang sa napipintong pag-upo bilang lider ni Amores sa pinakamalaking grupo sa loob ng maximum security compound dahil nakatakda nang lumaya sa loob ng tatlong linggo ang kasalukuyang pinuno ng grupo na si Allan Kawasa. Maaaring may iba umanong nagnanais ng naturang posisyon na uupuan ni Amores.
Hugas-kamay naman si Schwarzkopf sa pagkakapasok ng baril sa NBP nang sabihin na maaaring matagal nang naipasok ang naturang armas sa bilangguan noong hindi pa siya nakaupo sa puwesto.
- Latest
- Trending