MANILA, Philippines - Tatlong rider ang iniulat na nasawi sa magkakahiwalay na motorcycle accident sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat na nakarating sa Quezon City Police District Traffic Management Unit, ang mga nasawi ay kinilalang sina Jerry Jardinero, 36, ng Brgy. San Bartolome Novaliches; Benjamin Bacuyag Jr., 54, ng Camarin Caloocan City; at Ronald Rosales, 21, ng Bagong Barrio Caloocan City.
Nangyari ang unang aksidente sa biktimang si Jardinero sa kahabaan ng Susano Road, harap ng Redwood Company, Brgy. San Agustin ganap na alas- 8:38 Miyerkules ng umaga.
Sinasabing sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang nasabing lugar nang madulas ito sa kalsada at aksidenteng mahulog mula sa motor hanggang sa paparating naman ang motorsiklo ng isang Anacleto Guballo at masagasaan ito . Nagawa pang maitakbo sa FEU hospital ang biktima, pero idineklara din itong patay.
Ganap na alas- 9:30 ng gabi naman ng mangyari ang insidente sa motorsiklo si Bacuyag, habang binabagtas ang kahabaan ng Susano Road, harap ng Redwood company, Brgy. San Agustin Novaliches.
Tinatahak ni Bacuyag ang nasabing lugar habang ang suspect na si Aries Bernabe na galing sa Deparo Caloocan City patungong Nova Proper ay tumatahak sa kabilang direksyon ng kalsada nang magsalpukan ang mga ito.
Sa lakas ng impact, kapwa tumilapon ang dalawa sa kanilang mga motorsiklo dahilan para kapwa sila magtamo ng matinding sugat sa katawan at isinugod sa Quezon City General Hospital pero idineklarang patay si Bacuyag.
Alas-3 ng madaling-araw nang maaksidente naman si Rosales, sa may kahabaan ng East Avenue harap ng Philippine Long Distance Telephone malapit sa panulukan ng Matalino St., sa lungsod.
Sakay din ng kanyang motorsiklo ang biktima at tinatahak ang East Avenue mula Eliptical Road patungong EDSA ng mahulog ang harap ng gulong nito sa manhole sanhi para tumalsik ito papalayo.
Paparating naman ang isang tractor head na minamaneho ni Rogelio Oquias, 55, at nasagasaan nito ang biktima na sanhi ng agaran nitong kamatayan. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.