MANILA, Philippines - Dahil umano sa maaanghang na salita at pagmumura, isang binata ang ginilitan ng leeg hanggang sa mapatay ng tatlong kalalakihan sa Malabon City kahapon.
Patay na nang idating sa ospital sanhi ng mga saksak sa katawan at laslas sa leeg ang biktimang si Arwin Tagalog, 28, ng Sanciangco St., Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod.
Nadakip naman ng pulisya ang suspek na si Crismar Sajor habang nakatakas ang magkapatid na Nestor at Felix Moreto Jr.
Sa report ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng hapon. Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima kay Rose Ann Aceron sa nasabing lugar nang lapitan ng mga suspek at komprontahin dahil sa maaanghang na salitang binitawan nito. Imbes na huminahon ay minura pa ni Tagalog si Felix.
Naglabas ng mga patalim ang mga suspek at pinagtulungang saksakin ang biktima bago nagsitakas habang dinala naman si Tagalog sa nasabing ospital, subalit hindi na umabot ng buhay. Sa isinagawang follow-up operation ay nadakip si Sajor na pasakay ng pampasaherong jeep upang tumakas.