Security guard sa NAIA 3 palpak - PNP-SOSIA
MANILA, Philippines - Pumalpak umano ang mga security guard ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 3 sa kabiguang mapigilan ang naganap na bugbugan sa pagitan ng veteran columnist na si Ramon “Mon” Tulfo at ang grupo ng actor na si Raymart Santiago noong linggo.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Chief Supt. Tomas Rentoy, hepe ng Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA), binigyan na niya ng 48 oras ang Lanting Security Agency upang isumite ang resulta ng imbestigasyon sa kontrobersyal na insidente.
Ang PNP–SOSIA ang may direktang kontrol sa pag-iisyu ng permit sa mga security agencies sa bansa kabilang ang Lanting Security Agency na tumutulong sa panga ngasiwa ng seguridad sa paliparan.
Ayon kay Rentoy, malinaw sa video footage sa sinasabing 2nd part ng bugbugan ang kapalpakan ng mga security guard sa paliparan na pigilan kaagad ang insidente habang nakalupasay na si Tulfo na ginugulpi ng grupo ni Santiago .
Gayunman, aminado ang opisyal na malaking kawalan sa imbestigasyon na hindi gumagana ang CCTV camera sa baggage area upang malinawan ang insidente.
Ayon naman sa naunang pahayag ng ilang mga guwardiya , hindi rin umano nila nakilala agad si Tulfo at inakala ng ilan sa mga ito na ‘shooting’ lang ang insidente dahilan artista si Santiago.
Ipatatawag naman sa Camp Crame ang mga guwardiya sa paliparan upang pagpaliwanagin sa insidente.
- Latest
- Trending