MANILA, Philippines - Isang lalaki na hinihinalang suspect sa pamamaril sa isang pulis-Maynila ang napatay sa loob ng tinutuluyang motel habang nakatakas ang kasama nito sa Sta Cruz, Manila kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang napatay na si Angie Del Prado, 35 ng Yakal St., Tondo, Maynila.
Si Prado ay inginusong suspect sa pagbaril kay PO2 Julius Barrientos, MPD-Station 3 at kasalukuyan pang ginagamot sa Chinese General Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng Room 301 ng Cats Inn sa 1618 Batangas St., Sta Cruz, Manila.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng MPD-District Police Investigation Operation Unit (DPIOU) na ang suspect ay naglulungga sa nasabing motel.
Bunsod nito, isinagawa ang pag-aresto at sa pagsalakay sa nasabing kuwarto ay nabaril ang suspect.
Nakatakas naman ang kasamahan nito na naka-check in sa Room 101 matapos na basagin nito ang bintanang salamin at dumaan sa fire exit.