MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang karnaper ang napatay matapos na makipag-palitan ng putok sa mga humahabol na tropa ng Quezon City Police District-Anti Carnapping Unit ng (QCPD-DACU) makaraang takasan ng mga una ang pagsisiyasat ng mga huli sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang isa sa mga suspect sa pagitan ng edad na 30-35, may taas na 5’7’’, payat, kayumanggi ang kulay, at may tattoo na “GOY” “COY” “TOYO” sa likod at nakasuot ng kulay asul na t-shirt at maong. Ang isang suspect naman ay tinatayang nasa edad na 25-30, may taas na 5’4”, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng kulay puting t-shirt at maong.
Ayon kay Supt. Ferdinand Villanueva, hepe ng QCPD-DACU, ang mga suspect ay nakasagupa ng kanyang mga tauhan sa may panulukan ng Mindanao Avenue underpass at ng Quirino Highway sa lungsod ganap na ala-1:10 ng madaling-araw.
Nabatid na naispatan ng mga pulis ang isang kulay maroon na Nissan Sentra (XDE 107) habang binabagtas ang nasabing lugar.
Dagdag ni Villanueva, nagtaka ang kanilang tropa dahil hindi tugma ang plaka at modelo ng kotse kung kaya’t pinahinto nila ito. Pero sa halip na huminto ay bigla umanong humarurot ito papalayo, sanhi para mauwi ito sa habulan.
Pagsapit sa underpass ng Mindanao Avenue, biglang bumaba ang mga suspek sa kotse at pinaputukan ang mga awtoridad dahilan para gumanti ang mga huli na nauwi sa engkwentro. Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok at nang mahawi ang usok ay nakita na lamang nakabulagta at wala ng buhay ang mga suspect.
Narekober sa lugar ang dalawang kalibre .38 baril, mga bala at basyo nito, gayundin ang limang basyo ng bala ng M16 rifle, at isang basyo ng kalibre 45 baril. Nakuha rin sa tabi ng mga suspect ang pitong piraso ng iba’t ibang uri ng susi at apat na improvised pick lock na ginagamit ng mga ito sa kanilang iligal na operasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.