MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Akyat-bahay gang ang patay matapos barilin ng isang kagawad ng pulisya nang tangkain ng una na saksakin ang huli makaraang maaktuhang nagnanakaw sa kanyang tindahan kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang suspect na walang pagkakakilanlan ay isinalarawan sa taas na 5’4, moreno, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay pulang T-shirt na may tatak na Lee USA at kulay checkered na brown short pants, at may tattoo ng scorpion sa tiyan at chinese character sa kaliwang paa.
Ang suspect ay nabaril ng pulis na si SPO1 Hector De Veyra, ng no. 48 Road 1, Brgy. Project 6, Quezon City ganap na alas-3:35 ng madaling araw sa mismong sari-sari store ng huli.
Nabatid na mahimbing na natutulog ang pamilya De Veyra nang makatanggap ang pulis ng tawag mula sa kanyang kapitbahay na nagsusumbong na may lalaking pilit na pumasok sa kanyang sari- sari store.
Agad na pumunta si De Veyra sa nasabing sarisari store at napansin na sira ang kandado ng pintuan nito. Pagpasok nito sa loob ay tumambad sa kanya ang suspect at tinangka siyang saksakin.
Mabilis na nakaiwas sa saksak si De Veyra, saka binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang suspect sa katawan, saka tumawag ng back up mula sa DPIOU- QCPD.
Agad namang rumesponde ang nasabing awtoridad at dinala ang suspect sa East Avenue Medical Center, kung saan alas-4:15 ng madaling araw ay idineklara itong patay ni Dr. Melissa Babida. (Ricky T. Tulipat with trainee Kristel Vergara)