2 pang Bistekville, itatayo
MANILA, Philippines - Dalawa pang socialized housing project ang itatayo ng QC government para sa mga pamilyang informal settler sa lungsod.
Una nang ipinagawa ni QC Mayor Herbert Bautista ang socialized housing sa Bistekville I sa Brgy. Payatas at Bistekville II sa Brgy. Kaligayahan.
Sa ilalim ng pro-poor housing program ni Bautista, itatayo ang mga pabahay para sa mga mahihirap na taga-QC upang mabigyan ang mga ito ng disenteng bahay at maayos na buhay.
Kaugnay nito, sinabi ni Secretary to the Mayor and Housing Task Force chairman Tadeo Palma na ang Bistekville III at Bistekville IV projects ay hinahanapan na ng tamang lugar para mapasimulan ang naturang proyekto. Posibleng ang Bistekville III ay itayo sa Barangay Escopa habang ang Bistekville IV ay sa Barangay Culiat.
Bukod sa naturang mga socialized housing, plano din ng lokal na pamahalaan na magtayo ng housing units sa Cubao na uupahan ng mga public school teachers ng QC sa murang halaga.
Ang proyektong ito ay sa ilalim ng Housing and Urban Renewal Authority, Inc. (HURA) ng lungsod sa may 2,000 square meters na lote sa Kalantiaw St., Project 4, QC.
- Latest
- Trending