MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan na magiging epektibo ang pagbibigay ng serbisyo at tulong sa mga mangangailangan sa panahon ng kalamidad.
Ang paniniyak ay ginawa ni Marzan, matapos ang pagsasagawa ng unang pulong ng mga opisyal at miyembro ng Metro Manila Disaster and Risk Reduction Management (MMDRRM).
Sa utos ni Manila Mayor Alfredo Lim, sinabi ni Marzan na layunin ng pulong na maibahagi ng bawat opisyal at miyembro ang kanilang sistema at tama ng gawin sa panahon ng krisis.
Kabilang sa mga naging resource person ay sina United Nations International Strategy for Disaster Reduction Regional Programme Officer Abhilash Panda; Earthquakes and Megacities Initiative chairman, Dr. Fouad Bendimerad; at Makati City Senior Advisor, Atty Violeta S. Seva.
Ayon kay Marzan, ang bawat lungsod ay dapat na makipag-ugnayan at makiisa dahil iisa lamang ang layunin na mailigtas ang buhay ng isang tao.
“Cities should coordinate and cooperate, kasi iisa lang ang layunin natin, to save lives. We must prevent accidents, mas maraming ma-save, mas malaki ang impact, mas makabubuti para sa lahat” ani Marzan.
Paliwanag ni Marzan na maraming lungsod ang bumili ng iba’t ibang kagamitan noong bagyong Ondoy, kung kaya’t kailangan na maging handa lalo pa’t wala namang nakakaalam kung kailan darating ang kalamidad.
Nabatid kay Marzan na plano ng city government na magtayo ng dalawang “evacuation centers” sa BASECO at Del Pan kung saan kokonsultahin ang MMDA. Umaabot sa 50,000 ang populasyon ng BASECO.