P5-M kemikal ng shabu nasamsam

MANILA, Philippines - Umaabot sa P5 mil­yong halaga ng iba’t ibang uri ng kemikal sa paggawa ng shabu ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa isang mini-shabu laboratory sa Malabon City kamakalawa.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr., sinalakay ang dalawang palapag na apartment sa #125 Sisa St., Gov. Pas­cual, Malabon City kung saan nakuha ang mga kemikal na kinabibilangan ng ephedrine, thiamine, hydrochloric acid, acetone, toluene, at red phosphorous gayundin ang mga ka­gamitan sa paggawa ng shabu tulad ng washing machine, refrigerator, rice-cooker, at iba pang ordinaryong appliances­ na gina­gamit umano sa paggawa ng shabu.

Sinabi ni Gutierrez, dahil na rin sa dami ng mga kemikal  na nakuha sa lugar ay maiku­konsidera na isa itong uri ng kitchen-type labo­ratory na may kakayahang makagawa ng lima hanggang 10 kilo ng shabu na maaaring umabot sa halagang P50 milyon ang finished products.

Nabatid na hindi  madaling mapapasok ang lugar dahil sa stainless na pinto sa entrance gate at ginagamitan umano ng red phosphorous upang hindi maamoy ang masangsang na amoy na lumalabas sa tuwing gumagawa ng shabu.  

Ayon sa mga residente, madalas na sarado ang bahay bagama’t nakikita nila ang paglabas-masok ng mga Chinese sa dis-oras ng gabi.

Paliwanag ni Gutierrez, ang pagkaka­diskubre sa shabu lab ay bunsod ng pagka­kahuli sa dalawang Chinese nationals sa Pasig City noong Mayo 3, 2012.

Show comments