2 Intsik huli sa pagbebenta ng shabu
MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang Chinese nationals makaraang masakote sa isang buy-bust operation sa loob ng isang restoran sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Inisyal na nakilala ang mga nadakip na sina Qingjian Shi at isang nagpakilalang Benson Chua. Nakumpiska sa mga ito ang 400 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu at P1.5 milyong halaga ng marked money.
Ayon kay Sr. Supt. Virgilio Santiago, hepe ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group ng Eastern Police District, matagal na nilang isinasailalim sa surveillance ang mga suspectkung saan isang asset nila ang nagawang makontak ang mga ito at makipagkasundo na bibili ng shabu.
Nagkita ang mga suspect at police asset sa isang restoran sa Pasig City dakong alas-8 kamakalawa ng gabi kung saan dinakma ang dalawang Tsino matapos na matanggap ang marked money.
Tikom naman ang bibig ng dalawang naaresto na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakaditine sa EPD Detention Cell.
Naniniwala naman si Santiago na may mas malalaki pang ulo ang sindikatong kinabibilangan ng dalawang suspect na nag-ooperate sa Metro Manila na target nila ngayong maaresto. Isasailalim pa sa masusing interogasyon ang mga suspek sa pag-asang makakuha ng impormasyon sa operasyon ng kanilang grupo.
- Latest
- Trending