MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ngayon ng Pasig City Police ang pamamaril at pagpatay ng mga hinihinalang professional hired killer sa isang landlord sa Pasig City, kahapon ng umaga.
Butas ang bungo ni June Amores, 39, ng #39 M. Flores St., Brgy. Bagong Ilog, nang isugod ito sa Rizal Medical Center.
Ayon kay PO2 Michael Tibor, ng Police Community Precinct (PCP-1) ang insidente ay naganap dakong alas-9:45 ng umaga sa mismong harapan ng mga pinauupahang bahay ng biktima.
Sinabi ng saksing si Dennis Saenisit, trabahador ng biktima, kasalukuyan umano siyang gumagawa sa isang pinauupahang pag-aaring bahay ni Amores nang makarinig siya ng malakas na putok ng baril. Kasunod nito ay nakita na lang niya na biglang tumimbuwang ang kanyang amo.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO4 Rogelio Villanueva, ng Station Investigation Detective Management Branch (SIDMB), inabangan ng mga salarin ang biktima na lumabas ng kanyang bahay at nang matiyempuhan umano ng mga suspect ay mabilis itong tumawid mula sa kabilang kalsada at nilapitan ang biktima bago binaril.
Nang matiyak ang pakay ay parang wala lang umanong nangyaring naglakad papalayo ang suspect na nakasuot ng itim na polo at kulay khaki na bull cap.
Hinubad ng mga salarin ang suot na damit at kasamang iniwan ang suot na bull cap na may nakalagay na Cranston Trucking Company.
Sa kasalukuyan ay blangko pa ang mga awtoridad sa posibleng motibo sa pamamaslang sa biktima dahil ayon sa mga kapitbahay at mga tenant ng biktima ay wala umano silang alam na kaaway nito.
Isang mabait na kapitbahay at amo si Amores kung kaya’t nakapagtataka ang pamamaslang dito.