MANILA, Philippines - Tatlo-katao na sinasabing bigtime supplier ng gamot na cytotec ang nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District sa isinagawang buy-bust operation noong Lunes ng gabi sa Quiapo, Maynila.
Iniharap kay Manila Mayor Alfredo Lim ang mga suspek na sina Majid Khan, 34, ng Purok 6, Barangay Alabang Muntinlupa City; Subha Ali, 36; at si Gracelyn Baldo, 29, kapwa nakatira sa Rm. #1221, 12th floor Central Park Condominium, Bangkal, Makati City.
Sina Khan at Ali ay kapwa Pakistani na siyang nagsusupply ng cytotec sa Metro Manila at sa ilang bayan sa Cebu.
Ayon kay P/Chief Insp. Joselito Von Possel, hepe ng Quiapo-PCP ang tatlo ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9711 illegal selling of abortive pills at RA 5921 Anti-Pharmaceutical Act.
Maraming kaso na ang natatanggap ng pulisya kaugnay sa malawakang bagsakan ng cytotec sa paligid ng Quiapo Church kung saan kinokondena ni Monsignor Clemente Ignacio, parish priest ng Minor Basilica ng Black Nazarene.
Matapos ang surveillance ay inilatag ang buy-bust operation ng pangkat ni P/Supt. Ricardo Layug laban sa mga suspect na agad namang nakipagtransaksiyon.
Nagpanggap na poseur buyer si PO3 Froilan Peter Arboleda sa mga suspect kung saan naaresto sa fastfood chain sa panulukan ng Quezon Blvd. at P. Paterno Street sa Quiapo ang mga suspek.
Nasamsam ang 2,000 pampalaglag na gamot na may brand name na arthrotec 50 kung saan may street value na P.1milyon.