MANILA, Philippines – Hindi na rin nakaligtas ang mga kawani at ilang kliyente ng beauty salon makaraang holdapin ng dalawang armadong kalalakihan kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Sa ulat na ipinadala ng Southern Police District, dakong alas-12:55 ng hapon nang pasukin ng dalawang holdaper ang David’s Salon sa ikalawang palapag ng Road Star Building sa panulukan ng Sampaloc at Estrella Street sa Brgy. San Antonio.
Agad na tinutukan ng mga holdaper ang mga kawani kabilang na ang manager na si Joibelle Gario at ilang kustomer ng salon kung saan natangay ang P3,200.
Inaalam naman ng pulisya kung may closed circuit television camera (CCTV) ang naturang establisimyento na maaaring magbigay-daan upang makilala ang dalawang holdaper.