MANILA, Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang 23-anyos na kawani ng pribadong kompanya matapos itong pagsasaksakin ng dalawang holdaper sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw. Agaw-buhay sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center ang biktimang si Eduard Asuncion ng Brgy. Tugatog, Malabon City. Sa Imbestigasyon ng Caloocan City PNP, naglalakad ang biktima sa gilid ng Sangandaan Cemetery sa A. Mabini St. nang harangin at holdapin ng dalawang di-kilalang lalaki. Pumalag ang biktima kaya pinagsasaksak ng dalawa kung saan tinangay ang P1,600 cash.