MANILA, Philippines – Nalagay sa panganib ang buhay ng 120-pasahero ng tren ng Philippine National Railways (PNR) makaraang madiskaril ang isang bagon dulot umano ng napakatinding init ng panahon kahapon sa Muntinlupa City.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng tren na nagmula sa Laguna patungo sa Tutuban Station makaraang agad na makapag-menor ang operator nito bago tuluyang nadiskaril ang mga gulong na bakal sa riles.
Sinabi ni Paul de Quiroz, tagapagsalita ng PNR, naganap ang insidente dakong alas-11 ng tanghali sa pagitan ng Sucat at Alabang Station sa Brgy. Cupang, Muntinlupa City.
Inilarawan ni De Quiroz ang naganap na problema na rail expansion o paglaki ng agwat ng bawat bakal na riles ay dulot ng matinding init ng araw kahapon na sinasabing 36 degrees celcius ang init na naitala ng Pagasa.
Agad naman umanong napansin ng operator ang problema kaya nagawa nitong mapabagal ang takbo ng tren ngunit tuluyang nadiskaril ang dalawang gulong na bakal ng isa sa mga bagon nito.
Pansamantalang naantala ang biyahe ng PNR kung saan inumpisahan muna ang biyahe sa Sucat patungo sa Laguna at Kabikulan.
Pansamantala namang inilipat ang mga pasahero sa train na nagtungo hanggang Sucat Station na maghahatid sa kanila sa Tutuban Station sa Tayuman, Tondo.