MANILA, Philippines - Isinisisi ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang nagaganap na mga karahasan sa mga demolisyon dahil sa pang-uudyok umano ng mga militanteng grupo na nagkukunwaring tagapagtanggol ng mga maralita.
Inihalimbawa ni NCRPO chief, Director Alan Purisima ang naganap na karahasan sa Silverio Compound kung saan posibleng inudyukan ng mga militante ang mga residente na manlaban kahit na nakipag-ugnayan na ang sheriff ng Parañaque Regional Trial Court na tanging ang talipapa lamang ang idi-demolish at hindi ang kanilang mga kabahayan.
Sa kanilang monitoring, tatlong militanteng grupo sa pangunguna ng Kadamay ang kasama ng mga residente sa Silverio Compound na siyang nangunguna sa kanilang mga programa at sumisira sa dayalogo sa mga otoridad.
Ganito rin umano ang sitwasyon sa iba pang mga demolisyon sa Quezon City, San Juan at Taguig kung saan pinapasok ng mga militante ang mga organisasyon ng mga idi-demolish na lugar at hihikayatin na manlaban sa demolition team.
Gayunman, iginiit ni Purisima na hindi niya kukunsintihin ang mga pulis sakaling mapatunayang nagpaputok ito ng baril. Sinabi nito na bagama’t sang-ayon siya sa pagdadala ng baril sa demolisyon, dapat umano na gamitin lamang ito bilang “self-defense”.
Dagdag pa ni Purisima, walong baril ng mga pulis na kasama sa demolisyon ang nasa crime laboratory pa rin para suriin habang ang mga nahuling residente ay nagpositibo sa nitrate residue na nangangahulugang nagpapaputok ito ng baril. Ito’y sa kabila ng pag-amin na ng walong pulis-SWAT na nagpaputok nga sila dahil umano sa pagtatanggol sa sarili at pagtatanggol sa mga sibilyan.