MANILA, Philippines - Isang lalaki na inaresto dahil sa paglabag sa batas trapiko at iligal na droga ang nasawi matapos na mabaril ng isa sa mga pulis na umaaresto sa kanya makaraang mang-agaw ito ng baril habang dinadala sa himpilan ng pulisya sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon kay SPO1 Joselito Gagaza, napilitang barilin ng mga awtoridad ang suspect na si Ramil Oca, 44, ng Antipolo City matapos na mang-agaw ng baril at tangkaing mamaril ng awtoridad sa panulukan ng EDSA at Kamuning Road ilang hakbang ang layo sa Kamuning Police Station, ganap na alas-9 ng umaga.
Bago ang insidente, inaresto ng tropa ng Quezon City Police District’s Anti-Carnapping Unit (QCPD-DACU) na nagsasagawa ng Oplan Sita laban sa mga magnanakaw ng motorsiklo, si Oca sa may bahagi ng Muñoz.
Sinabi ni Gagaza, na sinita si Oca at napatunayang nagmamaneho ito ng motorsiklo na peke ang lisensya at plaka bukod pa sa pagkakadiskubre ng isang sachet ng shabu sa katawan. Agad na dinala ng mga awtoridad ang suspect sa Kamuning Police Station para maipa-medical check-up at maimbestigahan.
Nang makarating sa Kamuning Police Station ang suspect sakay ng mobile car at kasama sina PO1 Carlos Lignos, PO2 Genaro Diego, at PO3 Emmanuel Allarde ay bigla na lamang tumakbo papatakas, pero hinabol siya ng mga pulis.
Habang pinoposasan si Oca ni Diego ay pumalag ito at dinakma ang baril ng huli, saka tinangkang barilin si Allarde, pero mabilis na kumilos si Lignos at binaril siya sa katawan.