MANILA, Philippines - Nabulabog ang tahimik na pamumuhay ng pamilya ni Professor Randy David makaraang ratratin ng tatlong kalalakihan ang kanilang tahanan sa loob ng compound ng UP Diliman, Quezon City kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), ganap na alas-8:50 ng gabi nang paulanan ng bala ang bahay ng pamilya David sa #17 Area 1 Gomburza Street sa panulukan ng Aguinaldo sa Barangay UP campus, Diliman.
Sa pagsisiyasat ng CIDU, base sa testigong si Sharon Gloria, isang Toyota Fx na may plakang UDM-191 ang ginamit ng mga suspect at pumarada sa harapan ng bahay ng pamilya David.
Kasunod nito, pinagbabaril angToyota Innova (NHQ-698) na nakaparada sa loob ng compound ng pamilya David kung saan wala namang nasugatan.
Sa ngayon wala pang nakikitang motibo ang mga awtoridad kaugnay sa nasabing insidente.
Kaya naman, hindi na rin nila tinanggap ang inilaang pulis na magmamanman para sila proteksyunan, dahil wala naman daw silang alam na taong may masamang motibo para sila gawan ng karahasan.
Plaka Na Ginamit Natukoy
Natukoy na ng Quezon City Police District (QCPD) ang may-ari ng plaka ng sasakyan na ginamit ng mga suspect sa pamamaril sa bahay ni Prof. Randy David sa UP Diliman Quezon City.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Mario dela Vega, ang plakang UDM-191 ay nakapangalan sa isang Enrique Punzalan.
Posibleng ninakaw lamang ang plaka at ikinabit sa sasakyan ng mga suspect na siyang ginamit.
Sa kabila ng pagtanggi ng pamilya David sa alok na seguridad ng QCPD, nagpadala pa rin si dela Vega ng dalawang mobile patrol car para magbantay sa perimeter ng bahay nito.