MANILA, Philippines - Isinailalim na sa imbestigasyon ng Southern Police District (SPD) ang 16 na miyembro ng Special Weapons and Tactics unit (SWAT) na namaril sa madugong demolisyon sa Silverio Compound, Sucat, Parañaque City kamakalawa.
Sa ipinadalang mensahe ni SPD spokesman P/Chief Insp. Jenny Tecson, dinisarmahan na ang 16-SWAT at inilagay sa restriction habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang grupo ni P/Senior Supt. Rolando Asuncion, hepe ng District Investigation and Detection Unit.
“Should this personnel be found later on to be negligent, appropriate charges will be filed against them, administratively and criminally,” ayon kay SPD Director P/Chief Supt. Benito Estipona.
Samantala, inihahanda na ng grupo ni P/Chief Insp. Enrique Sy ang kaukulang kaso laban sa 29 katao na naaresto sa naturang demolisyon.
Tanging si Arnel Leonor Tolentino pa lamang umano ang kumpirmadong nasawi kung saan isinasailalim na sa awtopsiya ang labi nito upang makumpirma ang dahilan ng kamatayan nito.
Inamin naman ni P/Senior Supt. Billy Beltran na bukod sa mga empty bullets, gumamit din ang mga miyembro ng SWAT team ng mga live bullet.
Ikinatwiran ng kanyang mga tauhan na warning shot lamang ang pinakawalan dahil nalalagay na sa panganib ang kanilang kaligtasan, maging ang mga siblyang usisero lamang at ang gasolinahan nang magbagsakan ang mga Molotov.
Nanindigan naman ang ilang opisyal ng pulisya na hindi sa hanay ng pulisya nagmula ang gulo manapa’y mula sa mga raliyistang naghagis ng Molotov bomb, nagpaulan ng mga bote at mga tipak ng bato na ikinasugat ng sampung pulis.
Samantala, nagmistulang EDSA III naman ang insidente matapos na wasakin ng mga nagproprotesta ang truck ng pulis ng National Capital Region Police Office habang binasag din ang salamin ng media vehicle ng GMA News 7 at ng ABC 5.
Nabatid na bukod sa SPD-SWAT ay may 200 Civil Disturbance Management Team ng PNP ang nagtungo sa lugar upang tumulong sa pagpapatupad ng seguridad.
Idinagdag pa ng opisyal na ‘judgement call’ na ng ground commander ang naging aksyon ng puwersa ng PNP laban sa mga bayolenteng raliyista kung saan 33 sa mga ito ang nasakote. (Danilo Garcia at Joy Cantos)