Senglot tinodas ng kabaro sa inuman

MANILA, Philippines - Napaslang ang construction worker na senglot matapos bagsakan ng hollow block ng kanyang kabaro sa inuman sa construction site sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi. Ilang oras pa bago natuklasang basag ang bao ng ulo ng biktimang si Jake Montilla, 38, tubong Kalibo, Aklan. Naaresto naman kaagad sa follow-up operation ng pulisya ang suspect na si Allan Heile delos Trino, tubong Pangasinan. Sa ulat ni PO3 Jupiter Tajonera, naganap ang krimen sa ikatlong palapag ng itinatayong gusali sa panulukan ng Buenavidez at La Torre Streets sa Tondo. Nakikipag-inuman ang suspek sa kanyang mga kaibigan nang dumating ang biktima na lango na rin at gustong makisali sa inuman ng grupo. Dahil lango na ay naasar ang mga kainuman ng suspect kung saan iniwan na sila hanggang sa muli pa umanong kulitin ng biktima ang suspect. Nagdilim ang paningin ng suspek saka binagsakan ng hollow block sa ulo ang biktima.

Show comments