MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P4 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos masunog ang tindahan ng sapatos at tsinelas kahapon ng madaling-araw sa Malabon City. Nabatid kay SFO3 Alvin Torres, ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Malabon City, nagsimulang kumalat ang apoy dakong alas-12:09 ng madaling-araw sa tindahan ng sapatos sa Gen. Luna St., Brgy. Concepcion ng nasabing lungsod. Nagising naman ang katiwala ng tindahan na si Alex Laurente nang makaamoy ng nasusunog na goma. Mabilis namang inusisa ni Laurente ang loob ng tindahan kung saan bumungad ang makapal na usok kaya humingi na ito ng saklolo. Tumagal ng halos 2-oras ang sunog na umabot sa ikatlong alarma kung saan wala namang napaulat na nasaktan o namatay sa naganap na insidente habang patuloy naman ang imbestigasyon.