MANILA, Philippines - Nanawagan ang isang opisyal ng Manila City Hall sa mga negosyante at may-ari ng mga restaurant sa lungsod na ipagbawal ang ‘common CR’ upang mapanatili ang kalinisan at anumang uri ng pambabastos.
Ayon kay City Administrator Jesus Mari Marzan, dapat lamang na hiwalay ang CR ng lalaki at babae sa mga restaurant o fast food chain upang mas maipatupad ang kaayusan at kalinisan sa mga gumagamit nito.
Maiiwasan din nito ang anumang pambabastos o paninilip ng mga kalalakihan sa mga kababaihan kung magkakadikit ang mga CR.
Aniya, malaking tulong din ito upang dumami ang mga customer ng mga restaurant dahil hygiene ang isa sa mga tinitingnan ng mga customer.
Paliwanag ni Marzan, ilan sa mga establisimyento sa lungsod ay iisa lamang ang CR kung kaya’t humahaba ang pila sa paghihintay ng gagamit ng palikuran.
Giit ni Marzan, maging ang city government ay nagpapatupad ng hiwalay na CR sa ilang pampublikong lugar sa lungsod upang maiwasan ang anumang insidente ng pambabastos at mapanatili ang kalinisan.