Ex-convict itinumba
MANILA, Philippines - Patay ang isang kalalaya lamang na lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspect kamakalawa ng gabi sa Malabon City. Dead-on-the-spot ang biktimang si Celso Cantojos, 23, ng Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa pisngi at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril. Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Jerry Villa Torre, ng Station Investigation Division (SID), Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa kahabaan ng Dulong Hernandez St., ng nabanggit na barangay.
Nakatayo ang biktima sa nabanggit na lugar nang biglang sumulpot ang suspect na armado ng baril at binaril si Cantojos na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Ayon sa ina ng biktima na si Susan Cantojos, posibleng ang responsable sa pamamaril sa kanyang anak ay ang taong pumatay sa kaibigan nito na naganap noong Abril 7 ng taong kasalukuyan. Nabatid na kalalaya lamang umano ng biktima matapos itong makulong ng tatlong taon dahil sa kasong robbery.
- Latest
- Trending