MANILA, Philippines - Aabot sa 150 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang masunog ang kanilang tahanan sa kasagsagan ng matinding init ng panahon sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Ayon kay Sr. Supt. Bobby Baruelo, District fire chief, may 60 kabahayan ang naabo sa sunog na naganap sa may Agham Road, Brgy. Bagong Pag-asa sa lungsod.
Sinasabing nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Marcos Monterola sa #131 ng nasabing barangay ganap na alas-2 ng hapon. Diumano, nakitang umuusok sa ikalawang palapag na bahagi ng bahay ni Monterola hanggang sa tuluyang maglagablab.
Dala ng tindi ng init ng panahon, tuluyan nang umalagwa ang sunog at dahil pawang dikit-dikit ang mga kabahayan ay nagtuluy-tuloy ito hanggang sa umabot sa Task Force Alpha.
Sinasabi ring may fire station sa kalapit na nasusunog na lugar, pero dahil iisa lamang ang firetruck dito, hindi nakayanan ang malaking apoy sanhi para hindi agad ito maapula.
Ganap na alas-3 ng hapon nang tuluyang ideklarang fireout ang nasabing sunog habang wala namang iniulat na nasaktan o nasawi dito.
Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng napinsala sa nasabing sunog, habang inaalam pa ang ugat nito.