MANILA, Philippines - Dapat umanong magsilbing hamon sa pamahalaan ang ulat na kabilang ang lungsod ng Maynila sa “World’s 10 Worst Cities for Driving”.
Ito naman ang binigyan-diin ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan kung saan kailangan ang mahigpit na pagpapatupad ng disiplina sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Marzan, nakakalungkot isipin na sa kabila ng pagpasa ng batas, hindi naman ito naipatutupad nang maayos at epektibo ng mga kinauukulan. Aniya, walang disiplina ang mga driver ng mga pampasaherong sasakyan sa nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero kung kaya’t nagkakaroon ng pagbubuhul-buhol ng mga sasakyan.
Kailangan din aniya na may alam ang mga enforcers sa paghuli at hindi dapat natutukso sa lagay kapalit ng parusa sa mga driver.
Sa kabila nito, kinuwestiyon din ni Marzan ang basehan ng CNNGo.com sa pagpapalabas ng report gayung marami namang aspeto ang dapat na isaalang-alang. Kabilang na aniya rito ang masikip na kalsada ng Maynila at sa dami ng sasakyang bumibiyahe.
Nabatid na una nang pinalagan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang panibagong pagdungis sa sistema ng trapiko sa bansa makaraang tanghalin na ikatlo sa “World’s 10 Worst Cities for Driving” ang lungsod ng Maynila. Batay sa listahan ng CNNGo.com, ang Beijing, China ang nangunguna, sunod ang New Delhi, India. Kabilang din naman ang Mexico City, Mexico; Johannesburg, South Africa; Lagos, Nigeria, Sao Paolo, Brazil; Moscow, Russia; Toronto, Canada at Monaco.