MANILA, Philippines - Isang barangay chairman ang naaresto ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagbebenta ng 50 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa isinagawang entrapment operation sa Makati City kamakalawa.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang suspect na si Reynaldo Rosaban, alyas Kap, 44, ng Brgy. 117, Zone 14 sa Pasay City.
Naaresto si Rosaban ng mga operatiba ng PDEA National Capital Region (PDEA-NCR) sa pamumuno ni Director Pedrito Magsino na nagsilbing poseur-buyer.
Nangyari ang buy- bust operation sa may kahabaan ng Arnaiz Avenue corner Evangelista St., Makati City pasado alas-4 ng hapon.
Matapos ang palitan ng items ay agad na dinamba ng mga nakaantabay na operatiba ang barangay captain kung saan nakuha sa kanya ang 50 gramo ng shabu.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (sale), Article II of Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakapiit ngayon ang suspect sa PDEA custodial facility habang inihahanda ang court order para rito.