MANILA, Philippines - Iniharap kahapon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang apat na suspect na responsable sa panloloob sa compound ng may-ari ng nagsarang Banco Filipino at pagpaslang sa tatlong security personnel makaraang maaresto sa magkakasunod na operasyon sa Las Piñas at Parañaque City.
Kinilala ang mga suspect na sina John Mitz Jose, 19, truck helper sa RCS Logistics Philippines; Allan Peñafuerte, alyas Adobo, 30, mekaniko; Gerald Reyes, at isang 17-anyos na lalaki na itinago sa pangalang Andong. May 11 suspect pa ang patuloy na kinikilala at pinaghahanap ngayon ng pulisya.
Sa ulat ng Task Force International, kasama ang apat sa nanloob sa bahay ni Bobby Aguirre sa #1015 Tropical Avenue, BF International, Las Piñas City nitong Abril 7 kung saan napaslang ang mga security personnel na sina David Manguera, PO3 Luisito Macatunao at retired PO2 Melvin Padaca.
Lumalabas sa imbestigasyon ng TF, na pagnanakaw ang motibo sa panloloob ng may 15 lalaki na lulan ng dalawang pribadong kotse, isang taxi at isang scooter nang pumasok sa Aguirre Compound at salubungin ni Padaca na akmang bubunot ng baril. Dito na inunahan ng mga suspect na barilin si Padaca at ang dalawa pang bantay.
Dahil sa pangamba, naalarma na ang ibang security guard sa subdibisyon at nagpasya ang mga suspect na abandonahin ang plano at mabilis na tumakas. Sa pagmamadali, nalimutan ng mga salarin na dalhin ang scooter na naging pangunahing lead sa kaso.
Dito unang nadakip ang suspect na si Jose na siyang may-ari ng scooter na naging daan upang inguso ang tatlo pa niyang kasamahan.
Isa ring impormante ang lumutang at inihayag sa Task Force na isang Norberto Doctor, alyas Obet, isang lider ng organisadong sindikato ng mga upahang mamamatay-tao ang kinontrata ng isang taong malapit umano kay Aguirre upang looban ang bahay nito.
Sinampahan na ng pulisya ng 3 counts of murder ang mga suspect sa Las Piñas Prosecutor’s Office bukod pa sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Dangerous Drugs Board sa suspect na si Peñafuerte matapos na mahulihan ng kalibre .38 at hinihinalang iligal na droga.