Sandra Cam, sinungaling
MANILA, Philippines - Tinawag na sinungaling ng isang barangay chairman si jueteng whistle blower Sandra Cam matapos na sabihin umano nito na hindi sila pumayag na magsagawa ng gift giving sa Baseco Compound, Tondo, Maynila si dating pangulong Joseph Estrada.
Ayon kay Bgy. Chairman Kristo Hispano ng Brgy. 649 Zone 5, mali na pulitikahin siya lalo na si Manila Mayor Alfredo Lim na walang kaalam-alam sa isyu.
Ayon naman kay chief of staff at media bureau director Ric de Guzman walang katotohanan ang pahayag ni Cam at maaari namang mamigay ang mga ito kahit araw-araw kung tunay na para sa mga mahihirap ang kanilang intensiyon at huwag na lang haluan ng pamumulitika at kasinungalingan.
Sinabi ni de Guzman na wala ring alam si Lim sa ginawang bigayan sa Baseco at hindi rin nakakausap ni Hispano ang alkalde.
Paliwanag naman ni Hispano, kabilin-bilinan umano ni Lim na alalayan at tulungan ang pulitiko, NGO o sinuman na magbibigay ng tulong sa mga tao sa Baseco.
Lumilitaw na hindi umano personal na pumunta sa barangay si Cam, kundi isang ‘Connie’ ang tumawag sa kanyang Secretary na si Wendy Hilag at nagtanong kung ubrang magamit ang covered court para sa gift-giving ni Estrada.
“Walang sinabi ang sekretarya na di sila pinahihintulutan. Ang ipinaliwanag ng sekretarya ay may nauna nang naka-schedule na gagamit ng court. Five months ago pa ’yun naka set eh sila nagpapa-set three days before nila kailangan. Gagamitin ’yung covered court para sa meeting sa programang ‘Linis Coastal Bay’ na dinaluhan ng iba’t-ibang government agencies kagaya ng DENR at DILG at pati na Congressman,” ayon pa kay Hispano.
Itinanggi rin ni Hispano ang pahayag ni Cam na naipagawa ang covered court ng barangay dahil kay Senator Jinggoy Estrada.
Ang pagkakaalam niya, kagawad pa lamang siya noon nang ipagawa ni Barangay Chair Teresita Lumagpoc ang court na kinuha ang pondo sa budget ng barangay mismo.
- Latest
- Trending