Bus vs dyipni: 1 patay, 4 sugatan
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay habang apat pa ang sugatan nang magsalpukan ang isang public utility vehicle at isang pampasaherong bus sa may Quirino highway lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon sa ulat ni PO3 Ferdinand Paglinawan, District Traffic Enforcement Unit (DTEU) nakilala ang nasawi na si Rolando Hernando, nasa hustong gulang at walang tiyak na tirahan.
Habang ang mga sugatan naman ay sina Ariel Licuda, 31; Roy Durano, 41; Mark Joseph Monreal, 25; at Annie Rose Quizon, 25, pawang mga ginamot sa Novaliches District Hospital.
Nangyari ang insidente sa may Quirino highway ganap na alas 7:30 ng umaga.
Diumano, minamaneho ng isang Michael Jae Permejo, 22 ang isang pampasaherong jeepney (TWG-956) at tinatahak ang nasabing highway mula Novaliches Proper patungong Mindanao Avenue nang pagsapit sa panulukan ng Nitang St. ay tinangka nitong mag-overtake sa isang sasakyan.
Sumalpok ito sa kaliwang bahagi ng pampasaherong bus na Admiral (PYG-956) na minamaneho ni Renato Balasabas, 36.
Dahil sa impact, dalawa sa pasahero ng PUJ ang nasa unang bahagi nito ang tumilapon at bumagsak sa bangketa kung saan isa sa mga ito ang nasawi.
Agad ding isinugod sa naturang ospital ang mga sugatang biktima.
- Latest
- Trending