MANILA, Philippines - Nangako kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tatapusin nila bago sumapit ang pasukan ang pagsasaayos sa mga “U-turn slots” na inilagay noon pang panahon ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando na sinasabing hindi na epektibo sa Kamaynilaan.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na magbabawas sila ng U-turn slots, habang i-aadjust at papalitan ang ilan para makasabay sa pagbabago ng daloy ng trapiko ngayon sa Metro Manila.
May mga pag-aaral umano na ang marami sa mga U-turn slots ay hindi na akma sa kasalukuyang daloy ng trapiko kung saan karamihan sa mga motorista ay hindi disiplinado.
Tiniyak naman ni Tolentino na dadaan sa tamang proseso ang pagsasaayos ng mga U-turn slots at hindi bibiglain sa implementasyon.
Samantala, maglalagay naman ng “courtesy lane” sa kahabaan ng Roxas Boulevard para sa mga delegado ng Asian Development Bank 45th Annual Meeting sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City mula Mayo 2 hanggang 5.
Isang lane umano ng Roxas Boulevard ang ibibigay na eksklusibo sa mga delegado patungo sa PICC mula sa kanilang hotel. Ito’y sa kabila ng mabigat na ring daloy ng trapiko na nararanasan sa naturang kalsada kada araw.
Nasa 4,000 lider, mga senior official at business leaders mula sa iba’t ibang bansa ang inaasahang dadalo sa naturang pagpupulong.