Tagalinis sa palengke nagpatayan

MANILA, Philippines - Napatay ang 35-anyos na tagalinis ng Pasig City Public Market matapos pagsasaksakin ng kanyang kasamahan dahil sa hindi pagkakasundo sa trabaho kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod. Nakilala ang nasawi na si Romeo “Bobot” Cabanas ng #393 Block 7, Lupang Arenda, Taytay, Rizal.  Agad namang nadakip ang suspek na si Arvin Ignacio, 22, ng #9477 Acacia-Gahit Street, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City. Sa ulat ng Pasig City Police, unang narinig ni Enrique Gaspar, stall caretaker, na nag-aaway ang dalawang tagalinis ng palengke kaugnay sa hatian ng lugar na kanilang lilinisin dakong alas-7 ng gabi. Inawat naman ito ni Gaspar hanggang sa umuwi ang suspek subalit muling bumalik dakong alas-9 ng gabi kung saan agad nitong sinaksak ang biktima sa may fish section ng palengke.

Show comments