MANILA, Philippines - Napisak ang katawan at nasawi ang 38-anyos na lalaking nagmomotorsiklo matapos mahagip ng oil tanker sa Lambingan Bridge sa Sta. Ana, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Ociel Justino Jr. ng #193 Fabella St., Mandaluyong City.
Tumakas naman ang driver ng tanker (RFH 744) na si Ortiz Isabelo Ramos, 72, ng #930 Kapalaran St., Mandaluyong City.
Sa ulat ng Manila Police District-Traffic Bureau, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa pababang bahagi ng Lambingan Bridge sa panulukan ng New Panaderos at A. Bautista Street.
Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng oil tanker kaya inararo ang motorsiklo (1604-US) ng biktima at ang Honda Civic (NQG-164).
Napag-alamang pumasok ang motorsiklo sa ilalim ng tanker kasama ang rider habang sinalpok din ang isang hardware at ang poste ng kuryente.
Rumesponde naman ang ilang bumbero sa pangambang sumabog ang tanker habang iniwan ng driver ang tanker na umaandar pa ang makina kaya pinatay ito ng mga awtoridad.