Billboard operators pinagbabayad ng Road User's Tax
MANILA, Philippines - Inaasahang muling iinit sa pagitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga billboard operators makaraang magpanukala na pagbayarin ang mga ito ng “road-user’s tax”.
Bilang isa sa kumikita at nakikinabang sa kalsada, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na kailangan ring magbayad ng kaukulang buwis ng mga billboard operators upang madagdagan ang pondo sa pagpapaayos at pagpapaganda sa mga lansangan.
Bagama’t hindi direktang dumaraan sa kalsada, hindi maikakaila ang malaking pakinabang ng mga billboard operators sa mga lansangan na kanilang pinagkakakitaan.
Ibinulgar pa nito ang nakakalulang halaga ng pagpaparenta ng advertising space ng mga operators. Sa EDSA, ang isang 135 sq. m. na billboard ay pinaparenta sa halagang P90,000 kada buwan. Sa napakalaking kita na ito ng mga operators, kailangan naman umano na magbigay rin sila para sa ikagaganda ng mga kalsada.
Bukod sa pagsasaayos ng mga kalsada, ipinanukala rin ni Tolentino na gastusan rin sa ibibigay ng buwis ng mga billboard operators ang paglalagay ng “traffic control signs, road markings, road safety measures at training programs” na hinahawakan at posibleng mapunta sa MMDA.
- Latest
- Trending