MANILA, Philippines - Namatay matapos na mahulog sa kama ang isang anim na buwang gulang na sanggol habang natutulog kasama ang kanyang nanay sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, nagawa pang itakbo ni Rolando de Vera ang anak na si Jasmin sa Sta. Teresita Hospital, pero idineklara din itong patay ng mga doktor ganap na alas- 9:45 ng gabi.
Sinasabing natuklasan ang pagkahulog ng sanggol nang bumalik ng bahay si Rolando, matapos bumili ng diaper ganap na alas-8 ng gabi.
Bago umano lumabas si Rolando ng bahay para bumili ng diaper ay iniwan nito ang mag-ina na natutulog sa kama na may taas na tatlong pulgada.
Pinalalagay na hindi umano alam ng nanay na ang kanyang anak ay gumulong paibaba dahil sa kahimbingan ng pagtulog o maaring aksidente niya itong naitulak habang natutulog.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.