MANILA, Philippines - Dahil sa pakikialam sa isang away, nabaril at napaslang ang isang tricycle driver ng hindi pa nakikilalang salarin sa gilid ng isang sementeryo sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa San Juan De Dios Hospital ngunit nalagutan rin ng hininga ang biktimang si Hassim Lasarin, ng Sgt. Mariano St., Bgy.146. Nagtamo ito ng tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa noo.
Sa ulat ng Pasay City Police, sinabi ng isa pang tricycle driver na si Jhun Sulaiman na nakapila at nag-aabang sila ng pasahero sa harapan ng isang convenience store sa kanto ng Sgt. Mariano at EDSA nang magkaroon ng kaguluhan sa gilid ng sementeryo sa Don Carlos Revilla St. dakong alas-9 ng gabi.
Tinangka umanong umawat sa nangyayaring kaguluhan si Lasarin subalit bigla na lamang may nagpaputok ng baril at bumulagta ang duguang biktima.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sinu-sino ang sangkot sa naturang kaguluhan at malaman ang buong pangyayari upang mahabol ang salarin na pumaslang kay Lasarin.