2 sugatan sa nagliyab na tanker

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang su­gatan makaraang suma­bog ang isang gas tanker habang kinakargahan ng gasolina sa isang gas station sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Nakilala ang mga biktimang sina Jerome Nava, helper at Eddie Magada, driver na nagtamo ng pagkalapnos ng katawan at isinugod sa East Avenue Me­dical Center.

Nangyari ang pagsa­bog ganap na alas-11:40 ng tanghali sa may City Oil Gasoline Station sa Ara­neta Ave., corner Calamba Bgy. Talayan ng nabanggit na lungsod.

Sa inisyal na ulat, nagsasalin ng diesel ang mga biktima sa isang tanker truck sa naturang gas station nang biglang mag-spark at magliyab at tamaan ang mga biktima ng apoy. 

Nagtuluy-tuloy ang pag­liyab ng tanker hanggang sa masunog ang kabuuan nito at maapula ng duma­ting ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Pinalalagay naman na ang sobrang init ng panahon ang isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng apoy.

Show comments